Nauwi sa trahediya ang pagpunta sana ng mga guro at estudyante sa isang sports festival sa Cebu nang maaksidente ang truck na kanilang sinasakyan nitong Biyernes ng umaga. Siyam ang nasawi, kabilang ang pitong batang mag-aaral.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras," sinabing nasa 16 na iba pa ang nasugatan sa naturang insidente na naganap sa Barangay  Poblacion sa bayan ng Boljoon.

Lumitaw din sa imbestigasyon na nasa hanggang 40 ang sakay ng mini dump truck na maghahatid sa mga guro at estudyante.

Pero nawalan daw ng kontrol sa manibela ng truck ang driver na dahilan para tumagilid ito at mahulog sa bangin.

Tumilapon mula sa sasakyan ang ilang biktima at may naipit din sa truck.

Ayon sa ilang sakay ng truck, nagdesisyon silang sakyan ang dump truck na pag-aari umano ng lokal na pamahalaan dahil wala na silang ibang masakyan patungo sa sports festival.

Nasa kustodiya na ng Boljoon police ang driver ng mini dump truck, habang ginagamot sa mga ospital ang mga nakaligtas.-- FRJ, GMA News