Naaresto na sa Tabaco, Albay ang lalaking nagsaboy umano ng matapang na kemikal sa mukha ng isang babae na dahilan ng halos pagkabulag ng biktima sa Pasay City. Ang suspek, dating karelasyon ng nobyo ngayon ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Ramon Culaba Jr., alyas Mona, sa tindahan ng kaniyang ina sa Tabaco.

Mulasa Albay, ihahatid si Culaba sa Pasay police para harapin ang kasong serious physical injury na isinampa laban sa kaniya ng biktimang si Glory Cuerda.

Napinsala ang mga mata ng biktima dahil sa isinaboy na likido ng suspek na natuklasan na alkali at hindi asido.

Kailangan sumailalim sa operasyon ni Cueda para muling makakita.

Lumilitaw na selos ang dahilan kaya ginawa ni Culaba ang pagsaboy ng likido kay Cueda.

Nakipaghiwalay daw kasi kay Culaba ang nobyo nito para sumama sa biktima. -- FRJ, GMA News