Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan nitong Huwebes ng umaga sa isang basurahan sa Bais City, Negros Oriental, ayon sa ulat ni JP Soriano sa Balitanghali ng GMA News nitong Sabado.

Hubo't hubad at nanlalamig pa ito nang makita ng isang basurero sa Tavera Street. 

Nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol.

Inakala ng basurero na patay na ang sanggol ngunit nang lapitan niya ay idinilat ng sanggol ang mga mata nito.

Base sa inisyal na pagsusuri, malusog ang sanggol bagamat namumutla.

Hinahanap na ng mga awtoridad ang ina ng sanggol.

Ang hinala nila, posibleng bunga ng unwanted pregnancy ang sanggol.

Mahaharap sa kasong kriminal ang responsable kung mapatunayang itinapon niya ang sanggol.

Dinala na sa Bais District Hospital ang sanggol kung saan siya naka-confine.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development, nais nilang tiyakin na walang nakuhang sakit ang sanggol. —KG, GMA News