TIAONG, Quezon – Walo ang sugatan, dalawa dito ang nasa kritikal na kondisyon, matapos magkasabitan ang dalawang tricycle na sinasabing nagkakarera sa Maharlika Highway, Barangay Lalig, Tiaong, Quezon 6 p.m. ng Sabado.

Ayon sa report ng Tiaong Municipal Police Station, matapos magkasabitan ay sumalpok sa kasalubong na trak ang isang tricycle lulan ang apat na pasahero at ang driver.

Sugatan rin ang dalawang pasahero at driver ng isa pang tricycle.

Patungo sana sa Candelaria, Quezon ang truck, habang patungo naman sa San Pablo ang dalawang tricycle.

Sa tindi ng salpukan ay nayupi ang tricycle at naipit ang mga sakay nito. Nagkabali-bali rin ang buto ng ilan sa mga pasahero. Nagtamo naman ng head injury ang iba pa.

Ang mga sugatan ay isinugod sa isang pagamutan sa Candelaria, Quezon.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tiaong Pulis. Sumuko naman ang driver ng truck. — DVM, GMA News