Isang SUV ang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa highway sa Barangay Hibucawan, Jaro, Leyte bandang alas sais ng hapon ng Linggo.

Pitong magkakaanak ang sakay ng SUV, kasama ang dalawang menor de edad at dalawang mga senior citizens.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinabayan umano ang SUV ng mga salarin na sakay din ng isang hindi pa matukoy na sasakyan at rinakrakan ito ng maraming beses.

Tinamaan sa pamamaril ang driver ng SUV at nahulog ang sasakyan sa pangpang na may limang talampakan ang lalim.

Nagtamo ng mga sugat ang iba pang sakay na pinaghihinalaang tinaman din ng bala na agad dinala ng nagrespondeng MDRRM (Municipal Disaster Risk Reduction and Management) sa hospital sa Tacloban City.

Himalang hindi natamaan ang dalawang batang sakay.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa mag-anak at sa mga pakakakilanlan ng mga ito na taga Tunga, Leyte.

Nagsagawa rin ng dragnet at hot pursuit operation ang mga pulis upang mahuli ang mga salarin. — BM, GMA News