Patay ang isang delivery rider matapos siyang sumempleng dahil sa lubak at nagulungan ng truck sa Balagtas, Bulacan noong Sabado ng gabi.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Ariel Laurenciano. Nasa kostudiya naman ng pulisya ang truck driver na si Jun Sualog.

Ayon kay Sualog, galing siya sa Subic Port  at magde-deliver sana ng bigas nang mag-overtake sa kaniya si Laurenciano pero nalubak sa daan at sumemplang.

"Nalusot iyong gulong niya doon sa may butas. Nasemplang siya ngayon. Tamang-tama, tumatakbo ako eh 'di nagulungan ko siya dahil siya ay bumagsak sa tapat ng gulong ko," paliwanag ni Sualog, sabay sabing hindi na niya nagawang iwasan pa ang biktima.

Sabi naman ng isang saksi, matulin daw ang patakbo ni Sualog kaya inabot at nagulungan nito si Laurenciano.

Handa naman daw si Sualog na panagutan ang nangyari sa biktima.--FRJ, GMA News