Isang 19-anyos na graduating college student ang natagpuang patay sa Parang, Maguindanao nitong Lunes ng hapon. Ang biktima, ginahasa umano ng apat na lalaki na kamag-anak pa man din niya.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing natagpuan ang bangkay ng biktima hindi kalayuan sa kaniyang bahay sa Barangay Poblacion Uno.

Dalawa sa mga suspek ang nadakip at kinuyog ng taumbayan bago dinala sa pulisya. Kinalaunan ay nasawi ang isa.

Ayon sa ilang residente sa lugar, gumagamit ng ilegal na droga ang mga suspek.
Patuloy namang pinaghahanap ang dalawa pang suspek.

Sa hiwalay na panayam kay Lieutenant Colonel Ibrahim Jambiran, hepe ng Parang police, nilinaw niya na tatlong suspek pa ang kanilang pinaghahanap.

Nangako naman ang suspek na nasa kanilang kostudiya na makikipagtulungan sa mga awtoridad laban sa tatlo pang pinaghahanap na suspek.

Ayon pa kay Jambiran, pinatay ang biktima sa pamamagitan ng pagsakal sa pamamagitan ng tela na ginagamit ng mga babae na pantalumbong sa kanilang buhok.

Kuwento umano ng isang saksi, nawalan ng malay ang biktima nang halayin ng mga salarin.  Nang magkamalay na, doon na siya sinakal at itinapon ang bangkay sa damuhan.

Naikuwento na rin umano ng biktima noong nabubuhay pa sa kaniyang mga kaanak  ang tungkol sa isa sa mga suspek na may kursunada sa kaniya.

Bilin umano ng biktima sa kaniyang kaanak, kapag nawala siya o may nangyaring masama sa kaniya, ang naturang lalaki ang may kagagawan. --FRJ, GMA News