Patay ang isang rider matapos sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo dahil sa lubak sa kalsada at magulungan ng isang bus sa Dumangas, Iloilo.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing nag-overtake umano ang biktimang si John Martinez, sa isa ring motorsiklo pero nawalan siya ng balanse at sumemplang nang dahil sa lubak.

Tiyempo naman na may paparating na bus na hindi na siya naiwasan kaya nagulungan ang kaniyang katawan.

Kaagad siyang dinala sa ospital pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong mga sugat at bali sa katawan.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng bus na si Richard Sayat, na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide. --FRJ, GMA News