Nasawi ang isang 14-anyos na dalagita matapos siyang tamaan ng sakit na Japanese Encephalitis sa Barangay San Vicente, Bayambang, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Jasmine Prestoza, na nakaranas ng taas-babang lagnat at pananakit ng ulo at kasu-kasuan ng ilang araw.

Hindi na tumagal pa ang buhay ni Jasmine matapos maratay ng isang linggo sa ospital.

"Masakit ma'am kahit hindi ko siya anak. Inalagaan ko siya ma'am... Akala ko may makakasama ako pagtanda ko, inunahan na kami," saad ni Madilyn Marcos, tumatayong ina ng biktima.

Inakala ni aling Madilyn noong una na dengue ang sakit ni Jasmine pero nang ipasuri sa klinika, nag-negatibo ang dalagita.

Ipinatingin din si Jasmine sa albularyo, kung saan lumabas na nakasakit daw ng "nuno" ang dalagita.

Lumala ang kondisyon ng dalagita at isinugod sa Region 1 Medical Center sa Dagupan.

Sinasabing walang gamot sa Japanese Encephalitis na nakukuha rin sa kagat ng lamok.

Nagdudulot ito ng pamamaga ng utak, at ilan sa mga sintomas nito ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, at pagkaramdam ng pagod.

Sinimulan ng Department of Health nitong Marso ang pagbibigay ng Japanese Encephalitis vaccine sa mga rehiyon na may mataas na kaso nito, kabilang ang mga region 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region.

Ayon pa sa mga awtoridad, mas mataas din ang risk ng mga naninirahan malapit sa palayan at babuyan.

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Health sa Region 1 Medical Center para imbestigahan ang pagkamatay ni Jasmine.

"Magko-conduct uli kami sa Friday kasama 'yung DOH sa school," sabi ni Kagawad Paul Sinay, Barangay San Vicente, Bayambang, Pangasinan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News