Positibo sa rabies ang asong nakakagat sa pitong residente sa tatlong barangay sa Bacoor, Cavite kamakailan.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing tatlo sa mga biktima ang senior citizen at dalawa ang persons with disability.

Napatay ang aso nang masukol ito ng mga residente at pinutol ang ulo para ipasuri sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para masuri.

Lumitaw naman sa pagsusuri na inilabas ngayong aral na positibo sa rabies ang aso.

Nabigyan na ng apat na turok ng anti-tetanus at anti-rabies ang mga nakagat. Pero dahil sa positibo sa rabies ang aso, hindi maiwasan na kabahan pa rin sila.

Ang city veterinary office ng Bacoor, magsasagawa ng rabies vaccination sa lahat ng aso sa loob ng tatlong kilometrong pinangyarihan ng pangangagat ng aso.

Payo nila, importanteng magpatingin agad sa loob ng 24 oras ng pagkakagat sa animal bite center.

Hindi naman ipinapayo ng city vet na patayin agad ang asong nangagat. Mas makabubuti raw na obserbahan muna ito at hayaan ang mga kinauukulan na pumutol sa ulo ng aso para ipasuri.--FRJ, GMA News