Dalawang babaeng senior high school student ang pumalag sa limang lalaking nagtangkang gumahasa sa kanila sa Davao del Sur.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News “Saksi” nitong Martes, sinabing namatay ang isa sa mga biktima matapos siyang saksakin ng mga suspek.

Kinilala ang nasawi na si Krisna Ann Talisayan, 16.

Ayon sa ina ni Krisna, niyaya ang kaniyang anak ng isang kaibigan para manood ng isang programa sa barangay.

Pagkatapos manood, hinarang ang mga biktima ng limang suspek at tinangka silang gahasain.

"Panggagahasa pero hindi natuloy kasi pumalag itong mga babae," sabi ni Police Corporal Christer John Nahine, spokesman ng Magsaysay Police.

"Sinaksak nila ang isang babae, itong menor de edad na babae kaya ito namatay," dagdag pa niya.

Kinilala ang mga suspek na sina Jan Michael Dawent, Cyril John Bonzo, Antonio Sabanal Jr., Raul Mañacap at John Mars Manzano.

Bagamat aminado sa nagawang krimen, ang ilan sa mga suspek naawa raw sa ginawa nila sa dalawang babae. —NB/FRJ, GMA News