Patay ang tatlong hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom group nang umano'y nakipagbarilan sa mga pulis sa lalawigan ng Cavite, ngunit hindi kasama ang lider ng grupong dating pulis.

Nangyari ang engkwentro sa Barangay Kayquit sa bayan Indang, dakong alas-3 ng madaling-araw nitong Miyerkoles, ayon sa ulat ng Unang Balita.

Nanlaban umano ang mga suspek bago pa maihain ng mga awtoridad ang arrest warrant laban sa target ex-policeman dahil sa illegal possession of firearms and ammunition.

Target ng operation si dating Police Officer 3 (PO3) Magdaleno Pacia na umano'y miyembro ng Pacia-Kidnap-for-Ransom (KFR) group.

Wala umano sa lugar ang target,  at hindi pa raw nakalapit ang mga operatiba ay sinalubong na sila ng putok mula sa mga suspek na nasa loob ng isang safe house.

Napilitan umanong gumanti ang mag pulis at napatay ang tatlong mga suspek at kabilang sa napatay ay si Vence Venice alyas "Pigsa" na sinasabing kanang kamay ni ex-PO3 Pacia.

Walang nakuhang pagkakakilanlan ang dalawa pang napatay.

Ayon kay Cavite Police Provincial Director Police Colonel William Segun, mga Chinese ang karaniwang binibiktima ng grupo ni Pacia na nag-awol sa serbisyo habang nakatalaga sa Southern Police District noong 2016 bago luminya sa KFR.

Narekober sa crime scene ang ilang kalibre ng baril at bala pati na rin ang isang kulay pulang kotse na service vehicle ng grupo. —LBG, GMA News