Pinagbabaril ang isang mekaniko sa Antipolo dahil umano sa selos.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes, nahuli-cam ang malapitang pagbaril ng naka-helmet na suspek ang biktimang si Mac-mac, hindi niya tunay na pangalan.

Mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo ang gunman at iniwang nakahandusay sa kalsada ang biktima.

Mapalad na naisugod agad sa ospital si Mac-mac at nakaligtas sa kamatayan kahit na tinamaan ang ilan niyang vital organs.

Ayon sa pulisya, ang kinakasama ng dating karelasyon ni Mac-mac ang suspek sa pamamaril.

Kinilala siyang si Jeric Maglaque, isa umanong tulak ng droga sa lugar.

Nahuli ang suspek sa ikinasang buy-bust operation kung saan nakuha sa kaniya ang 9-mm na baril na ginamit daw sa krimen.

Mahaharap si Maglaque sa kasong frustrated murder at possession of illegal drugs.

Hindi raw ito ang unang pagkakataong pinagtangkaan ng suspek ang pamilya ng biktima.

"Tinear-gas kami noong June 18 ng gabi, 'di lang ako makapagsalita, ang daming naperwisyo," kwento ng ina ni Mac-mac.

Mariin namang itinanggi ni Maglaque ang mga paratang sa kaniya.

"Hindi po ako 'yun nanay. Hindi ko magagawa 'yun nang dahil sa ganoon lang," pangungumbinsi ng suspek nang makaharap ang mag-ina sa presinto.

Kinasuhan din ang dating kinakasama ng biktima na kasabwat umano ni Maglaque sa krimen.

"Kitang-kita ko eh. Doon din siya sumakay sa gunman. Nakatayo pa ako noon," ayon kay Mac-mac. —Dona Magsino/LDF/FRJ, GMA News