Lalaki, patay sa saksak ng mga kapitbahay dahil sa isinanlang speaker

Nang dahil sa away sa speaker, pinagtulungan umanong saksakin ng tatlo niyang kapitbahay ang isang lalaki sa Batangas City.

Dead on arrival sa ospital ang biktimang si Romnick Yap, ayon sa ulat ng Unang Hirit ngayong Biyernes.

Sa inisyal na imbestigasyon, pinatutubos ng suspek na si Dennis Rustia ang speaker na sinangla sa kaniya ni Yap pero humingi ito ng palugit.

Doon na sila nagtalo at nagkahamunan pa ng suntukan.

Dumating ang ama ni Dennis na si Joselito at isa pa nilang kapitbahay na si Jay-R Ilao at doon na nila pinagsasaksak ang biktima.

Naaresto na si Dennis na iginiit na ang ama niya ang nanaksak kay Yap.

Si Ilao din daw ang kaalitan ni Yap at hindi siya. —JST, GMA News