Na-hulicam ang pagnanakaw ng cellphone sa isang kainan sa Lipa, Batangas, ayon sa ulat ng Balitanghali ng GMA News nitong Sabado.

Habang abala sa kuwentuhan at pagkain ang grupo ng mga estudyante, pinupuntirya na pala ng isang lalaki ang cellphone ng babaeng estudyante.

Nasa bag na nasa upuan sa tabi ng biktima ang kanyang cellphone.

Iniharang pa ng lalaki ang isang upuan para hindi makita ang pagkuha niya sa cellphone ng biktima.

Nang makuha ang cellphone, agad niya itong inilagay sa kanyang bag at mabilis na tumakas.

Hindi na isinumbong sa pulis ang insidente, pero ipinost daw ito online para magsilbing babala laban sa mga magnanakaw. —KG, GMA News