Patay ang isang forest ranger ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos siyang pagtulungan at pagtatagain ng mga illegal logger na kanilang sinita sa El Nido, Palawan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagpapatrolya ang biktimang si Bienvinido Veguilla Jr., kasama ang iba pang forest ranger nang makita nila at sitahin ang mga illegal logger.

Umalis umano ang illegal logger pero nang bumalik ay armado na ng sumpak at mga itak.

Nagawang makatakbo ng mga forest ranger maliban kay Veguilla na kinuyog ng mga suspek at pinagtataga.

Nagawa namang barilin ng biktima ang isa sa mga salarin, na nagresulta sa pagkakahuli nito.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga kasama ng suspek.

Basahin: Mga puno sa Palawan, ilegal na pinuputol para magamit umano sa mga bagong resort

Kamakailan lang, iniulat sa problema ng illegal logging sa Palawan na ang mga puno ay ginagamit umano sa mga itinayong resort sa iba't ibang bahagi ng lalawigan. --FRJ, GMA News