Dalawang menor de edad ang nasaktan matapos mahulog mula sa isang ferris wheel sa Polomolok, South Cotabato.

Ayon sa pulisya, natanggal ang alambreng kandado ng sinasakyang bagon ng mga biktimang hindi pinangalanan.

Pag-ikot daw ng ferris wheel, bumukas ang pinto at nahulog ang mga bikitima mula sa taas na labindalawang talampakan.

Mabuti na lamang at mga bukol at galos sa ulo lang ang tinamo ng mga biktima.

Sinubukan naming kunan ng pahayag ang operator ng ferris wheel pero tumanggi itong magsalita.

Bahagi ng pagdiriwang ng Flomlok Festival ang naturang ride.--NB/FRJ, GMA News