Patay at basag ang bungo nang matagpuan ang isang 14-anyos na dalagitang estudyante sa isang masukal na lugar sa Lucena City, Quezon. Ang suspek sa krimen, ang amain ng biktima na sumama pa sa paghahanap sa dalagita para hindi mahalata.

Sa ulat ng GMA News "Saksi"nitong Martes, kinilala ang biktima na si Honeelyn Riego, isang grade 8 student, na hindi na nakauwi sa kanilang bahay mula sa paaralan nitong Lunes.

Kaagad na hinanap ng amang si Neptune Riego ang kaniyang anak. Sumama rin sa paghahanap ang suspek na si Elly Cenerion, na karelasyon ngayon ng ina ng biktima.

Hindi nagtagal, nakita ni Cenerion ang bangkay ng dalagita na tadtad saksak gamit ang basag na bote at basag din ang kaniyang bungo.

Bukod dito, hinalay pa ang biktima.

Pero nang magsagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad, natuklasan na mismong si Cenerion pala ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen at inamin niya ang ginawa niya sa dalagita.

"Sobrang pagkalasing po. Iba na po ang pag-iisip ko kaya po ginawa ko po 'yun, sir. Ako na po ang gumawa, lahat-lahat po, ako ang gumawa," pag-amin ni Cenerion, na kinumpirma rin na hinalay niya ang biktima.

Nagawa raw niya ang krimen dahil hindi pabor ang dalagita sa pakikipagrelasyon niya sa ina nito.

Hustisya naman ang panawagan ng galit na ama ng biktima. --FRJ, GMA News