Isa ang patay at 10 naman ang sugatan matapos magbanggaan ang isang truck at pampasaherong bus sa Davao City, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Kinilala ang nasawi na si Judy Tipacia Mijares, 50 anyos. Dinala naman sa ospital ang 10 sugatan.

Malakas ang salpukan ng truck at pampasaherong bus kaya parehong wasak ang ilang bahagi ng mga sasakyan.

Nagkalat naman sa kalsada ang dala-dalang mga produkto ng truck.

Patungong Digos City ang pampasaherong bus at sa Davao City naman ang truck nang mangyari ang salpukan.

Inaalam pa ang sanhi ng insidente. — Joviland Rita/RSJ, GMA News