Nasugatan sa pananambang nitong Miyerkoles sa San Carlos City, Pangasinan ang dating gobernador ng lalawigan na si Amado Espino Jr.

Sa paunang ulat na nakarating sa Camp Crame mula sa Police Regional Office 1, sinabing nasa sasakyan si Espino nang pagbabarilin ng mga salarin ang biktima sa Barangay Magtaking dakong 4:30 p.m.

Kaagad umanong isinugod sa pagamutan si Espino, na dati ring kongresista ng lalawigan.

"Personnel of San Carlos CPS are now conducting dragnet operation for the possible identification and arrest of the suspect/s. Investigation still ongoing," ayon sa mga awtoridad.

Wala pang ibinibigay na impormasyon ang pulisya tungkol sa nangyari sa mga kasama ni Espino sa sasakyan.

Sa post sa Twitter ni Senador Richard Gordon, nanawagan siya sa kapulisan na kaagad na lutasin ang pananambang kay Espino. 

 

 

Dagdag ng senador, sakay ng Innova ang mga biktima.

"This is completely unacceptable... The police should be able to track down the perpetrators if they ask fast," ayon kay Gordon.

"I call on PNP chief [Director General Oscar] Albayalde to mobilize all police forces to track down the killers and bring them to justice," dagdag niya.

Sa pinakahuling impormasyon mula sa mga awtoridad, sinabing "stable" na ang kalagayan ng dating gobernador.

Taliwas sa mga unang impormasyon na lumabas, isa lang sa mga kasamang bodyguard ni Espino ang nasawi sa naturang pananambang, habang sugatan din ang apat na iba pa.

Ang nasawing security escort ni Espino ay isa umano sa tatlong sakay ng Innova, habang nasa Land Cruiser naman ang dating gobernador, kasama ang dalawa pang bodyguard na pawang sugatan din.

Patuloy umano ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga salarin.—FRJ, GMA News