Trahedya ang sinapit ng isang 16-anyos na babaeng estudyante sa Pangasinan na inaya umanong sumama sa birthday party paglabas ng paaralan pero kinalaunan ay hinalay ng apat na lalaki. Ang tatlo sa mga suspek, mga menor de edad.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ng biktima na mula sa kaniyang paaralan sa Bayambang, Pangasinan, hinarang siya ng isa sa mga suspek paglabas niya sa gate ng paaralan at inayang dumalo sa isang birthday party sa Alcala.

Dinaanan pa raw nila ang kasintahan ng suspek.

Pagdating sa pupuntahan, nadatnan daw nila sa loob ng bahay ang apat na lalaki na kakilala rin niya. Nag-iinumanan daw ang mga ito  at pinilit din siyang pinainumin.

Matapos ang ilang oras, imbes na pauwiin, pinagpahinga raw siya sa loob ng isang kuwarto at noon na raw siya sunod-sunod na ginahasa.

Sabi pa ng dalagita, matapos siya gahasain at isinakay siya sa tricycle at ibinaba sa gilid ng kalsada sa Bayambang.

Kuwento naman ng naghihinanakit na lolo ng biktima, sa ospital na niya nakita ang apo na walang malay at naka-oxygen na.

Naaresto na ang apat na suspek, na kinabibilangan ng tatlong menor de edad, na nasa pangangalaga ng social welfare department. 

Hihintayin ang utos ng korte tungkol sa tatlo para madala sa youth center sa La Union. Samantalang ang nag-iisang suspek na nasa tamang edad, sasampahan ng kaukulang reklamo.

Isasailalim naman sa counseling ang biktima. --FRJ, GMA News