Nasapak ng driver ang isang babaeng angkas ng kasabayan niyang motorsiklo sa Dasmariñas, Cavite.

Ayon sa ulat sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, bumaba mula sa sasakyan ang lalaki saka sinapak ang ulo ng kaalitang rider. Mapalad na nakasuot ng helmet ang babae.

Bilang ganti, bumaba rin sa motorsiklo ang magka-angkas na babae saka pinagsusuntok ang bintana ng sasakyan ng nanakit na driver.

Mas uminit pa ang away-kalsada nang lumabas ulit sa sasakyan ang driver at nakipagrambulan sa mga babae.

Hindi sila nagpaawat sa ilang saksi.

Ayon sa uploader ng video, tila ugat ng away ang pag-cut ng sasakyan sa motorsiklo.

Hindi na nakunan ng netizen ang mga sumunod na tagpo. —Dona Magsino/NB, GMA News