Nagdadalamhati ang pamilya ng pinatay na transwoman sa Pangasinan na nakaburol na sa kanilang tahanan sa Alaminos nitong Huwebes, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News.

Labis na hinagpis ang nararamdaman ng pamilya ng 29 anyos na si Jessa o Jestoni Remiendo sa karumal-dumal na krimen na kanyang sinapit.

“Napakasakit nga sa akin, parang hindi ko nga matanggap. Parang gusto ko na ring mamatay. Wala akong masabi sa bata na yan,” sabi ng ina ni Jessa na si Violeta Remiendo.

Napakabait at masayahin daw ni Jessa. Ayon pa sa kanyang mga magulang, si Jessa raw ang pag-asa ng kanilang pamilya at sumusuporta sa kanila.

Wala raw itong kaaway at mahal na mahal daw siya ng mga tao sa paligid niya.

Ngayon, agarang hustisya ang hinihingi ng pamilya sa pagpatay kay Jessa.

Martes ng umaga, natagpuan si Jessa na wala nang buhay sa beach resort na kanyang pinagtatrabahuan sa Bolinao.

Ginilitan at hiniwa ang kanyang mata.

Ayon sa hepe ng Bolinao Police na si Police Major Dennis Cabigat, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na talagang plinanong patayin ang biktima.

Mababasa sa nakuhang cellphone ng biktima ang kanyang pakikipag-usap sa mga suspek ilang sandali bago mangyari ang krimen.

Base sa mga text message, nagkayayaan daw ang biktima at mga suspek na sina Michael Orbano, 18 anyos, at isang lalaking 17 anyos, na magkita. Ayon sa pulis, tila matagal na raw silang magkakakilala. Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek.

May isang nakasaksi sa krimen na nagbigay ng testimonya sa mga pulis. Wala raw nangyaring pagtatalo at pinagtulungan daw patayin ng dalawang suspek si Jessa.

Iniimbestigahan pa rin ang motibo sa krimen. Ayon kay Cabigat, hindi pa masabi kung maituturing itong hate crime.

Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagpatay kay Jessa at sinabing wala raw sinuman ang dapat makaranas nito. — Joviland Rita/RSJ, GMA News