Sinampahan ng awtoridad ng reklamong murder ang dalawang suspek sa pagpatay sa 29-anyos na trans woman sa Bolinao, Pangasinan, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Huwebes.

Kinalala ang mga suspek sa pagpatay kay Jessa Remiendo na sina Michael Orpano, 18 anyos, at alyas Pakwan, isang lalaking 17 anyos.

Martes ng umaga, natagpuan si Jessa na wala nang buhay sa beach resort na kanyang pinagtatrabahuan sa Bolinao. Napuruhan siya ng saksak sa leeg at kanang mata.

Madaling araw nang nagpaalam siya sa kanyang kasamahan na lalabas para bumili pero hindi na raw siya bumalik.

Sa mga mensahe sa cellphone ng biktima na narekober ng mga pulis, mababasang may kikitain ang trans woman. Tumugma raw ang napag-usapang lugar at oras sa nangyaring krimen.

“Pinagusapan doon kung saan sila magkikita. Tapos eksakto naman doon sa oras  na pinangyarihan ng pagpatay,” sabi ng hepe ng Bolinao Police na si Police Major Dennis Cabigat.

Lumutang ang isang saksi na nakakita raw mismo sa nangyari at itinuro sina Orpano at alyas Pakwan bilang mga suspek sa krimen. Ayon sa kanya, si alyas Pakwan daw ang sumaksak kay Jessa.

Nakatakbo pa raw si Jessa para tumakas pero hinabol siya ng dalawang suspek para raw tuluyang patayin.

Dahil raw sa takot, umalis na ang saksi.

“Narinig natin ang witness na umalis itong isang napangalanan nating suspect na umalism tapos pagbalik may dala dala nang panaga,” sabi ni Cabigat.

Nagdadalamhati ang pamilya ni Jessa na kasalukuyan namang nakaburol sa kanilang tahanan sa Alaminos.

Papalipasin muna raw nila ang ika-30 kaarawan ni Jessa sa katapusan ng Septyembre, kaya itinakda nila siyang ilibing sa ika-2 ng Oktubre. — Joviland Rita/BM, GMA News