Hustisya ang panawagan ng pamilya ng trans woman na si Jessa Remiendo para sa hindi makataong pagpatay sa kaniya ng dalawang lalaki sa isang beach resort sa Bolinao, Pangasinan.

"Para siyang kinatay na baboy kasi kitang kita 'yung leeg niya po. Konting konti na lang daw mapuputol na po. Ginawang aso 'yung kapatid ko. Bakit ginanun nila? Sana magdusa 'yung gumawa sa kanya," ayon kay Jessie Remiendo sa ulat ni Darlene Cay sa GMA "24 Oras" nitong Huwebes.

Dagdag ng ina ng 29-anyos na biktima, matulungin at mabait na anak si Jessa.

"Wala akong masabi dyan sa bata na 'yan. Napakabait niyang bata na 'yan. Wala man lang kaaway," ayon kay Violeta Remiendo.

Martes nang matagpuang patay sa pananaksak si Jessa sa isang resort sa Barangay Patar.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam lang siya sa mga katrabaho na may bibilhin siya bago mangyari ang krimen noong Lunes ng gabi.

Napag-alaman naman sa narekober na cellphone ng biktima na naka-text niya pa ang mga suspek.

Kinilala ang mga suspek na sina Michael Orpano, 18-anyos; at isang 17-anyos na si alyas "Pakwan."

Salaysay ng saksi sa pulisya, nag-inuman daw ang dalawang suspek sa isang cottage sa resort nang dumating si Jessa.

Umalis umano saglit ang isa at may dala nang patalim pagbalik.

Sinubukang tumakas ni Jessa matapos hiwain ang kaniyang mukha pero hinabol at pinagtulungan daw ito ng dalawang lalaki hanggang sa magilitan.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa pagpatay at tinutugis pa rin ang mga suspek, ayon sa pulisya. Nasampahan na sila ng reklamong murder. —Dona Magsino/NB, GMA News