Pagluhod sa graba at asin ang inabot ng isang estudyante sa isang paaralan sa Midsalip, Zamboanga Del Sur matapos itong tumawa habang nasa misa.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion para sa 24 Oras, pinaluhod daw ng guro ni Jasper, hindi niya tunay na pangalan, ang bata matapos mahuli ito at iba pang mga estudyante na tumatawa habang nagmi-misa sa kanilang paaralan.

Labis ang galit at sama ng loob sa eskwelahan ng nanay ng biktima na si Grace, 'di niya tunay na pangalan.

“Gaano ba kalaki ang kanyang kasalanan. Kung ganyang activity lang naman, 'di ba pwedeng i-suspend 'yung bata?”

Ayon sa mga saksi, dali-daling dinala ng guro si Jasper sa isang bakanteng silid-aralan upang parusahan matapos niya itong marinig na tumatawa.

Pinuntahan ng GMA News ang eskwelahan upang makuha ang panig ng guro, ngunit wala ito roon.

Desidido ang pamilya ng estudyante na magsampa ng kaso laban sa guro. —Julia Ornedo/NB, GMA News