Patay ang isang babae matapos masagasaan ng truck sa Surigao City. Ang biktima, nasa gilid ng kalsada nang mahagip ng truck na nawalan umano ng preno.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Elizabeth Besagas. Bukod sa kaniya, may tatlong iba pang nasaktan sa insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nawalan daw ng preno ang truck at iniwasan ng driver nito na mabangga ang sinusundang sasakyan.

Pero nahagip naman ng truck si Besagas na naglalakad sa gilid ng kalsada.

Inararo rin ng truck ang isang burger stall kung nasaan ang tatlong sugatan, kabilang ang isang batang apat na taong gulang.

Nasa kostudiya ng mga pulis ang driver ng truck na mahaharap sa reklamong homicide, multiple physical injuries at damage to property.--FRJ, GMA News