Nahuli sa buy-bust ang isang lalaking ginagahasa umano ang kanyang hipag tuwing naka-droga siya sa Calauan, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Matapos maaresto nitong Biyernes ang suspek, naglakas-loob na lumantad ang biktima niyang hipag. Inireklamo nito ang pananakit at pang-gagahasa ng suspek.

Kuwento ng biktima, tatlong beses na siyang ginalaw ng kanyang bayaw. Hindi lang daw siya makapagsumbong noon dahil malayo sila sa bayan.

Depensa ng suspek, binabayaran naman niya ng P50 ang hipag kapag may nangyayari sa kanila.

Nahaharap ang suspek sa reklamong rape at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KBK, GMA News