Malagim na trahedya ang sinapit ng pamilya ng isang OFW sa Rizal, Laguna. Habang nagtatrabaho sa Dubai ang padre de familia, nalulong sa droga ang ina; at  humantong sa pagpatay sa isa nilang anak at malubhang ikinasugat ng isa pa.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng pulisya na naganap ang krimen kaninang umaga sa kanilang bahay sa Brgy. Tuy. Hinihinalang tinakpan ng ina ng unan hanggang sa hindi na makahinga ang nasawi niyang limang taon gulang na anak na babae.

Nang makita naman umano ng suspek ang 11-anyos niyang anak, sinugod din niya ito at inundayan ng saksak habang paulit-ulit na tinatanong kung sino ang biktima.

Sa kulungan, iginigiit ng suspek na mangkukulam ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen.

"May bumubulong talaga sa amin. Sinasalitaan po niya ako para pong ako'y inuutusan niya ng inuutusan. Tapos sobrang takot ko na 'yung mga bata mamamatay. Sabi niya papatayin daw po niya. Isasama daw po niya 'yung mga anak ko," pahayag ng ina.

Ngunit ayon sa Laguna Police, ang ina mismo ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen batay na rin sa salaysay ng nakaligtas niyang anak na nagtamo ng mahigit 20 saksak.

"Bigla na lang po siyang sinugod ng kaniyang ina at pinagsasakak po ng gunting. Natanong ko po kung ano sinasabi ng kaniyang ina o ano pa ang mga nangyayari noong mga oras na 'yon. Ang sabi sa akin ng bata, tinatanong daw po siya ng kaniyang ina habang siya'y sinasaksak kung sino siya, 'Sino ka? Sino ka? Ikaw ay manananggal,'" sabi ni Police Staff Sergeant Jose Belen, Chief Investigator, Rizal, Laguna PNP.

Bago raw maganap ang krimen, gumamit daw ng droga ang ina at nakita pa sa loob ng bahay ang mga ginamit niyang paraphernalia.

"Nu'n pong nag-iimbestiga kami sa lugar nakita po namin na 'yung comfort room nila sa lababo po eh mayroon pong shabu paraphernalia. Meron din pong maliit na plastic ng shabu na gamit na rin po siya, kung oobserbahan niyo, ginamit 'yung pinagbabawal na gamot," ayon pa kay Belen.

Hindi naman itinanggi ng ginang na gumagamit siya ng droga pero itinatanggi niya ang krimen.

Sa hiwalay na panayan sa GMA News TV "Quick Response Team," sinabi ni Police Corporal Lindley Sales Tibuc, hepe ng Rizal (Laguna) Police, na umalis umano ang suspek sa kanilang lugar noong panahon na nagsasagawa sila ng kampanya kontra droga.

Kasalukuyan umanong nagtatrabaho sa Dubai ang ama ng mga biktima, at nasabihan na umano ito ng mga kaanak sa nangyaring krimen.

Dati rin umanong OFW sa Dubai ang suspek at doon pa nga nagpakasal ang dalawa.

Wala na raw nakikitang ibang dahilan ang mga awtoridad sa ugat ng krimen maliban sa sobrang pagkalulong sa droga ng ina.

Nahaharap ang ina sa kasong parricide at frustrated parricide.

Nakatakda namang umuwi ng Pilipinas ang ama ng mga biktima. --Jamil Santos/FRJ, GMA News