Limang bangkay at dalawang kalansay ang natagpuan sa isang bangin sa Tuba, Benguet, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, umaga nang iulat sa kanila ng isang residente ang masangsang na amoy sa bahagi ng Marcos Highway.

Nang inspeksiyunin ng mga pulis ang lugar, natagpuan nila sa bangin ang mga naaagnas nang limang bangkay kabilang ang isang babae.

Sa patuloy pang paghahanap, nakita rin nila ang dalawa pang kalansay ng tao.

Ayon sa mga residente, matagal nang kilala ang lugar na tapunan ng mga bangkay na biktima ng summary executions. —KBK, GMA News