Tinangay ng isang lalaki ang nakaparadang motorsiklo sa Kidapawan City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaki na ilang minutong tumambay sa harap ng computer shop. Habang abala sa loob ang may-ari ng nakaparadang motorsiklo, pinupuntirya na pala ng salarin ang sasakyan niya.

Nang makahanap ng tiyempo, kinalikot ng nakatambay na lalaki ang motorsiklo.

Maya-maya, iniatras niya ang motorsiklo hanggang sa tuluyang mapaandar at makatakas sakay nito.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.

Wala namang pahayag ang may-ari ng motorsiklo. —KBK, GMA News