Apat na tao ang patay matapos mahulog sa kanal at magliyab ang sinasakyan nilang kotse sa Clark, Pampanga.

Ayon sa ulat sa 24 Oras nitong Huwebes, nasawi sina Jan Lionel Laiz, Janelle Obar, Jerome Paeste, at Michelle Rodriguez na mga empleyado ng isang resort sa Clark.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, mabilis ang pagpapatakbo sa kotse habang tinatahak nito ang Manuel Roxas highway.

Dahil dito, dumiretso ang sasakyan sa kanal at doon na nasunog.

Ang mga labi ng mga biktima ay naiuwi na sa kani-kanilang probinsya.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari. —Julia Mari Ornedo/LDF, GMA News