Kritikal ang isang lalaking estudyanteng binaril sa loob ng campus sa Marawi City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Naglalakad daw sa Mindanao State University ang biktimang si Ivan Alameda, 20, kasama ang tatlo niyang kaeskuwela nang bigla siyang binaril sa ulo.

Kasalukuyan siyang inoobserbahan sa Amai Pakpak Medical Center.

Ayon sa pulisya, mula sa isang kalibre .45 ang balang tumama kay Alameda.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng salarin at ang kanyang motibo.

Sa pahayag ng Mindanao State University, isolated case daw ang pamamaril sa estudyante nila. Iniimbestigahan na rin daw nila ang insidente. —KBK, GMA News