Nakabalot sa manila paper at wala nang buhay nang makita ang isang sanggol sa tubuhan sa Talisay City, Negros Occidental, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Ayon sa pulisya, ilang residente ang nakakita sa pagtapon ng isang bugkos ng manila paper sa kanal sa gilid ng tubuhan.

Nang tignan nila kung ano ang itinapon, napansin nila ang maliit na paang nakalabas sa bugkos.

Agad nila itong iniulat sa pulisya. Nang buksan, tumambad ang sanggol na lalaki.

Tinatayang nasa anim na buwang gulang na ang sanggol.

Inaalam na kung ano ang ikinamatay ng sanggol at kung sino ang nagtapon sa kaniya.  —KBK, GMA News