Patay ang isang Australian national at isang Pinay matapos silang pagbabarilin sa loob ng sasakyan sa Olongapo City nitong Biyernes ng umaga.

Base sa inisyal na impormasyon na ibinigay ni Police Captain Grace Doceo, tagapagsalita ng Olongapo City Police, nangyari ang krimen sa may rotonda ng Ulo ng Apo, Rizal Avenue kaninang 10:30 ng umaga.

Kinilala ang mga napatay na biktima na sina Anthony George Wilson, 61, isang Australian national, at Pinay na si Mila Bailey, 41. Samantala, sugatan naman ang isa pa nilang kasamang dayuhan na si Wayne Bailey, 71, na siya ring drayber nila.

Sabi ni Doceo, kasama rin daw ng mga biktima sa sasakyan ang lumilitaw na suspek sa pamamaril na isa rin umanong dayuhan. Nakita umano ang suspek na lumabas sa sasakyan batay sa kuha ng CCTV sa lugar.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Michael McLaren, na naaresto ng mga awtoridad sa dragnet operation.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen upang matukoy ang motibo sa pananambang. —NB, GMA News