Labis na trauma umano ang dinanas ng isang 15-anyos na dalagita matapos na halayin ng apat na lalaki sa Narra, Palawan. Ang dalawa sa mga suspek, ang mismong nobyo ng biktima na 15-anyos at kuya nito.

Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Biyernes,  sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, inaya ang biktima na isa sa mga suspek na dumalo sa birthday party noong Martes.

Sa party, pinainom umano ng alak ang biktima at nang mawalan ng malay ay doon na pinagsamantalahan.

Nakita umano ng kapatid ng biktima ang dalagita na walang saplot sa bahay ng isa sa mga suspek.

Sa ginawang pagsusuri sa biktima, lumitaw na pinagsamantalahan ang biktima.

Ayon pa sa pulisya, nakatawag pa ang biktima sa kaniyang ama para ituro ang mga humalay sa kaniya. Nadakip naman ang apat sa isinagawang operasyon.

Maliban sa nobyo ng biktima na menor de edad din, nasa tamang edad na ang iba pang suspek na edad 19 hanggang 27, na pawang mangingisda umano.

Kuwento ng mga kaanak ng biktima, tuliro at madalas na wala raw sa sarili ang dalagita dahil sa sinapit sa kamay ng apat na suspek.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang tatlong suspek habang nasa pangangalaga ng social welfare ang development ang menor de edad na nobyo ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News