Patay na nang matagpuan sa sapa namalapit lang sa kaniyang bahay ang isang psychology student sa Guagua, Pampanga.  Bago ang krimen, may nakita umano ang ilang kapitbahay na may mga lalaking pumasok sa bahay ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Micaela Cayanan, 19-anyos, at mag-isa lang sa bahay nang mangyari ang krimen.

Ayon sa ina ng biktima na si Angelita,  napansin daw ng mga kapitbahay na may apat na lalaking pumasok sa tinitirhan ng dalaga dakong 8:00 p.m. at humihingi ito ng tulong.

Tinawagan daw ng isang kapitbahay ang kapatid ng biktima pero hindi na nito nakita si Micaela kaya nagpatulong na sila sa barangay at mga pulis sa paghahanap.

Nakita ang bangkay ng biktima dakong 2:00 am sa sapa na nasa gilid lang ng tirahan ng dalaga.

Sabi ng ina ng biktima, basag ang kanang pisngi ng kaniyang anak at mayroong mga sugat at pasa.

Hindi naman daw nagalaw ang mga gamit ng biktima.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Manny Calma, hepe ng Guagua Police, sinimulan na nila ang pagtatanong sa mga kapitbahay ng biktima.

Batay na rin sa mga nakuha nilang pahayag, posibleng hindi lang isa ang salarin dahil nadinig umano ng ilang kapitbahay na nagsalita ang biktima nang, "bitawan n'yo ako."

Isinailalim din sa awtopsiya ang mga labi ng biktima para alamin kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay at kung ano pa ang posibleng ginawa sa kaniya ng mga salarin.

Bagaman wala raw napansin ang mga pulis na sugat sa mukha ng biktima, may nakita umanong pasa sa kamay at paa ng biktima, at sugat sa leeg.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon--FRJ, GMA News