Patay sa engkwentro laban sa mga pulis ang isang tulak umano ng droga sa bayan ng Santa Cruz sa lalawigan ng Laguna.

Iniulat ng GMA News TV nitong Sabado na nangyari ang engkwentro sa Barangay San Jose, at kinilala ang suspek na si Percibal Mendoza alyas “Petchie” –umano’y kalalaya lamang sa kulungan noong isang buwan.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang engkwentro makaraang positibong makabili ng iligal na droga sa suspek ang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakatunog umano si Mendoza na pulis ang ka-transaksyon, at ito ang naging mitsa ng engkwentro.

Na-rekober sa crime scene ang isang 9 millimeter na baril, mga basyo ng bala, live ammunition, maliliit na pakete ng hinihinalang shabu at P500 marked money.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nangyaring engkwentro. —LBG, GMA News