Inaresto sa Cebu City si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro matapos manakit daw ng lalaking masahista, ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa Saksi nitong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang sinusundan si John Dueñas ni Mayor Navarro at dalawa pang lalaki. Nang makalapit, biglang sinuntok ni Navarro si Dueñas sa dibdib.

Puwersahang inilagay ni Navarro ang kamay ng masahista sa likod at saka siya tinuhod.

Ayon sa pulisya, napagbuntunan si Dueñas ng galit ng mayor dahil walang available na babaeng masahista sa health spa.

Nahaharap si Navarro sa reklamong physical injury.

Bukod sa reklamong pananakit, inireklamo rin si mayor ng isang babaeng masahista na inuutusan daw niyang gumawa ng kalaswaan.

Wala pang pahayag si Navarro sa mga alegasyon. —KBK, GMA News