Patay ang isang radio broadcaster matapos siyang tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem sa kaniyang kotse sa Barangay Piapi sa Dumaguete City nitong Huwebes ng umaga.

READ: Hukom, pulis, security personnel, patay sa magkakahiwalay na insidente ng ambush

Ayon sa pulisya, tinatayang anim hanggang pitong tama ng bala ang tinamo ng biktimang si Dindo Generoso, 67.

Sa imbestigasyon, lumitaw na papunta na ang biktima sa kaniyang morning radio program sa dyEM radio nang pagbabarilin siya ng mga nakatakas na salarin.

Kaagad na nasawi ang biktima.

 

 

Kinondena naman ni Dumaguete City Vice Mayor Alan Gel Cordova ang krimen.

Nangyari ang pamamaril malapit sa paaralan kung saan naghahatid noon ng kaniyang anak si Cordova.

Tumakbong alkalde noong 2016 elections si Generoso pero natalo siya ng nakaupo ngayong alkalde na si Felipe Antonio Remollo.

Si Generoso ang ikalawang local media personality sa lungsod na pinaslang mula noong nakaraang taon.

Noong Abril 30, 2018, binaril at napatay din ng riding in tandem ang broadcaster na si Edmund Sestoso, malapit sa kaniyang boarding house sa Barangay Daro.

“The increasing number of attacks against members of the press around the country signifies the shrinking democratic space for free speech and expression,” saad sa pahayag ng Commission on Human Rights.

“Such blatant human rights violations demand for stronger government action to ensure the protection, safety and freedom of media workers.” —Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News