Naaresto ng mga awtoridad nitong Huwebes ang dalawang suspek sa pananambang at pagpatay sa Dumaguete radio broadcaster na si Dindo Generoso. Ang isa sa mga suspek, retiradong pulis umano.

Sa impormasyon mula sa Police Regional Office 7, kinilala ang mga inaresto na si Teddy Reyes Salaw, 44 at Glenn Corsame.

READ: Radio broadcaster sa Dumaguete City, patay matapos pagbabarilin sa kaniyang kotse

Retiradong pulis umano si Corsame, na siyang nagmaneho ng motorsiklo na ginamit sa pananambang sa biktima.

Nakuha naman kay Salaw ang isang kalibre .45 na baril na may mga bala.

Ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Joel Egco, naaresto ang mga suspek sa tulong ng Highway Patrol Group (HPG) at sa nagturo sa sasakyan ng mga salarin na ginamit sa krimen.

Idinagdag ni Egco na malaking tulong din ang mga kuha ng CCTV na nakalagay sa mga lugar na dinaanan ng mga suspek.

Batay umano sa nakalap na impormasyon ng PTFoMS, sinabi ni Egco na nagtatrabaho ang mga suspek sa isang politiko sa lalawigan. Patuloy naman inaalam kung sino ang utak sa krimen.

Samantala, isa pang suspek ang pinaghahanap na kinilalang si Police Corporal Roger Rubio.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.

Papasok na sana sa trabaho si Generoso nitong Huwebes ng umaga nang pagbabarilin siya ng mga salarin habang sakay siya ng kotse Barangay Piapi.

Kaagad na nasawi ang biktima sa dami ng tama ng bala na kaniyang tinamo.— FRJ, GMA News