Patay ang isang pulis sa Batuan, Masbate matapos siyang barilin ng nakatakas na salarin habang nakikipag-usap sa isang non-uniformed personnel.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Police Senior Master Sergeant Oscar Alegada, ang chief investigator ng Batuan police.

Sa imbestigasyon, kausap ni Alegado ang isang babaeng non-uniformed personnel ng PNP nang sumulpot ang salarin at pinagbabaril ang biktima.

Mabilis na tumakas ang salarin habang isinugod naman sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.

Hindi naman nasaktan ang babaeng kausap ni Alegado.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung sino ang salarin at ang kaniyang motibo sa krimen.--FRJ, GMA News