Kalunos-lunos ang sinapit ang isang mag-ina sa Davao City matapos silang pagtatagain ng kanilang kapitbahay. Ang suspek na may pagtingin umano sa ginang, labis ang pagsisisi sa kaniyang ginawa.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Evelyn Lapera,  at 11-anyos niyang anak na si Joy.

Naaresto naman ang suspek na si Renuel Habillo,  na handa raw pagbayaran ang kaniyang ginawa.

Ayon sa suspek, limang buwan na raw ang patagong relasyon nila ni Evelyn. Nagawa raw niya ang krimen dahil sa matinding selos nang makita niyang may kainuman na lalaking katrabaho ang ginang.

Nauwi sa pagtatalo ang selos na humantong sa pananaga ng suspek sa biktima at nadamas pa ang batang anak ng ginang.

Nais ng ina ng biktima na managot ang suspek na nahaharap sa reklamong pagpatay. --FRJ, GMA News