Walong araw matapos maospital, pumanaw ang estudyanteng nasunog sa suot niyang costume para sana sa isang aktibidad sa loob ng kanilang paaralan sa Davao City.

Sa ulat ng  GMA Regional TV-One Mindanao sa "Saksi" nitong Biyernes, sinabing 84 porsiyento ng katawan ni Cherishly Anne Bansag ang nasunog dahil sa insidente.

Ang costume na isinuot ni Bansag ay para sana sa sasalihang Mr and Miss Intramurals  ng paaralan.

Pero habang naghahanda sa loob ng silid-aralan, nadilaan ng may sinding kandila na ginamit din nila sa preparasyon, ang costume ni Bansag na  dahilan para magliyab ang suot ng biktima.

Sinubukan umano ng GMA Regional TV-One Mindanao makuha ang panig ng paaralan pero hindi sila nagbigay ng pahayag.--FRJ, GMA News