CALAUAG, Quezon - Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan nitong Sabado sa bangin sa gilid ng highway sa Barangay Catangtang, Calauag, Quezon.
May mga tama ng bala sa katawan ang biktima.
Ayon sa ilang residente na nakatira malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay, may narinig raw silang ilang putok pasado alas-diyes ng umaga.
Hindi raw nila ito binigyan ng pansin dahil akala nila ay malayo ang pinanggalingan ng putok.
Makalipas ang ilang oras ay nakita na ang bangkay sa bangin. May bahay malapit sa lugar pero wala namang tao noong mga oras na iyon.
Nakuha sa crime scene ang pitong basyo ng kalibre .45 na baril.
May nakuha ring cellphone at ID sa bulsa ng suot na damit ng biktima.
Posible raw na doon na mismo sa lugar tinapos ang buhay ng biktima.
Ayon sa barangay captain ng Catangtang, hindi raw ito ang unang pagkakataon na may itinapon na bangkay sa kanilang lugar.
Hindi rin raw nila ka-barangay ang bangkay na nakuha.
Sinusubukan ng Calauag Municipal Police Station na makilala ang biktima at maipaalam sa mga kaanak nito ang sinapit ng biktima.
Sa loob lamang ng isang linggo ay tatlong bangkay na ang itinatapon sa Quezon province. —KG, GMA News