Apat na sundalo ang nasawi, at tatlo pa nilang kasama ang nasugatan nang mabangga ng isang truck ang sinasakyan nilang pickup truck sa Paranas, Samar.  Bukod sa mga sundalo, tatlong estudyante na sakay ng tricycle ang natumbok din ng truck.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing papunta sana sa isang civic activity ang mga sundalo nang salpukin sila ng truck bago bumangga sa isang bahay.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na papuntang Catbalogan City ang truck nang matumbok niya ang sinusundang tricycle na sinasakyan ng mga estudyante sa pababang bahagi ng daan.

Kasunod nito ay kinabig ng driver ng truck ang manibela kaya napunta siya sa kabilang linya ng kalsada at nasalpok naman ang kasalubong na pickup na sinasakyan ng mga sundalo.

Kaagad na nasawi ang apat na sundalo, at nasugatan ang tatlo nilang kasama.
Nasugatan din ang tatlong estudyante at driver ng tricycle.

Sumuko naman sa mga pulis ang driver ng truck pero wala pa siyang pahayag.-- FRJ,GMA News