Nauwi sa madugong wakas ang pagsasama ng isang mag-asawa sa Bayambang, Pangasinan matapos pagtatagain ng lalaki ang kaniyang misis. Ang suspek, ilang linggo na raw balisa at hindi makausap bago naganap ang krimen.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang nasawing ginang na si Marivic Panaman.  Napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek niyang mister na si Rosendo.

Ayon sa mga anak ng mag-asawa, napansin nila na ilang linggo nang balisa at hindi makausap nang maayos ang kanilang ama. Hanggang sa muling magtalo ang mag-asawa na humantong na sa pananaga ni Rosendo kay Marivic.

Nasaksihan pa ng isa nilang anak ang krimen na kaagad humingi ng tulong. Pero nang dumating ang mga pulis, nanlaban daw si Rosendo kaya siya binaril at bumagsak sa tabi ng bangkay ng kaniyang asawa sa loob ng kanilang bahay.

Sa Lipa, Batangas, nasawi naman si Lucila Hernandez matapos saksakin ng kaniyang nobyong si Jovy Fontelo.

Base sa imbestigasyon, nag-iinuman umano sina Hernandez at Fontelo nang magtalo ang dalawa at humantong sa pananaksak ng suspek sa biktima.

Selos ang pinaniniwalaang ugat ng krimen, at patulong na pinaghahanap si Fontelo.--FRJ, GMA News