Hinalay na, sinaktan pa. Ganito ang nangyari sa isang 15-anyos na babae sa Iligan City, Lanao del Norte, na nilasing at pinagsamantalahan umano ng kaniyang kapitbahay.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pinilit umano ng 30-anyos na suspek ang biktima na makipag-inuman.

Nang malasing ang dalagita, doon na raw ginahasa ng suspek ang biktima.

Nakita naman sila ng kinakasama ng suspek at sa halip na tulungan ang biktima ay sinaktan pa umano nito ang dalagita.

Depensa naman ng suspek, nobya niya ang biktima at magpapakasal sila kapag iniwan na niya ang kinakasama.

Gayunman, hindi naniniwala sa kaniya ang mga kaanak ng biktima.

Nakakulong na ang lalaking suspek habang patuloy na pinaghanap ang kinakasama niya.-- FRJ, GMA News