Dalawamput-isa ang inaresto matapos ang operasyon ng mga pulis sa isang ilegal na sabungan sa Imus, Cavite.

Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mga asawa ng mga sabungero ang nagsumbong sa mga pulis tungkol sa ilegal na sabungan sa lugar.

"Nagrereklamo na nga to'ng mga asa-asawa nila dahil nga kung minsan imbis na ibigay sa kanila yung pera, ginagamit lang sa sugal," ani Police Colonel Jun Alamo ng Imus Philippine National Police (PNP)

Sinugod ng mga nakasibilyang pulis ang sabungan na nasa Barangay Pasong Buaya, na nasa isang bakanteng lote na malayo sa sentro ng komunidad.

Isang sabongero ang nagtangka pang tumakbo, ngunit napalibutan na ng pulisya ang lugar.

Nakumpiska sa sabungan ang mga perang pang taya, tari, at ang mga manok na ginagamit sa pagsasabong.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga sabungero na kaagad naman nakalabas ng himpilan ng pulisya matapos magpiyansa.

"Eh sa mga tupada, sir, during weekends maliwanag po ang ating instructions diyan, lahat ng tupada magkaroon ng intensified police operations para maitigil na," sabi ni Police colonel Marlon Santos ng Cavite PNP.

Idinagdag naman ni Alamo na kanilang napansin ang pagtaas ng ibang mga krimen tulad ng pagnanakaw dahil sa pagsusugal.

"Isa din yan sa nagiging cause ng insidente ng holdapan, nakawan dahil nga para masuportahan mo ang bisyo mo sa pagsusugal," ani Alamo. —NB/FRJ, GMA News