Arestado ang isang lalaki matapos mag-alok ng pekeng trabaho bilang driver ng mga atleta sa ginaganap na SEA Games, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Bukod sa pekeng trabaho sa SEA Games, nag-alok din umano ang suspek na si Ronald Malubago ng pekeng pabahay sa mga kapitbahay na nasunugan. Nanghihingi raw siya ng P500 na "pang-medikal."

Ayon sa isang biktima, nagpakilala raw si Malubago na opisyal ng Philippine Sports Commission.

Nabuking si Malubago na hindi talaga taga-PSC dahil inireklamo rin siya ng mga kapitbahay niya sa Brgy. San Isidro, Makati, nitong Lunes ng gabi.

Bago pa ang panlilinlang sa SEA Games, ginantso naman niya ang ilang kapitbahay na nasunugan noong November 22 para naman sa bagong pabahay.

Depensa ng suspek, may pinagdadaanan daw siya pero hindi raw niya kayang ibalik agad ang pera ng kanyang mga biktima. —KBK, GMA News